Lusot
Malayo. Madilim. Ngunit siya ay aking nakita.
Unti-unti. Lumapit. Ako’y lumapit at naroon siya.
Lumipas. Lumampas. Ay naroroon pa rin siya.
Huminto. Lumingon. Siya ay aking nakita.
Lumayo. Bumaba. Siya ay nasa isip.
Lumakad. Lumingon. Siya ay nakangiti.
Nagpatuloy. Huminto. Hindi mapakali.
Lumingon. Tumingala. Nais kong bumalik.
Sumubok. Nag-alinlangan. Ngunit ginawa.
Pinansin. Natakot. Ngunit tiningnan.
Nagsabi. Matapang. IKAW sa araw-araw.
Natapos. Nagpaalam. IKAW sa ala-ala.
USC Volcorps: Bakit ka nag-volcorps?
“Bakit ka nag-volcorps?”, isang tanong na napakaraming beses ko nang narinig mula sa ibang tao at naitanong sa aking sarili. Simple man ang anyo ng tanong na ito ay tila napakahirap nitong sagutin. Dulot nito ay tinangka ko talaga itong masagot sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa isang taon kong pagkabilang sa grupong ito ng University Student Council (USC).
Mayo 2008, AS Lobby. Naglalakad-lakad ako sa AS habang naghihintay sa aking susunod na klase nang biglang mapadaan ang kaibigan kong si Mike [Geroche]. Inaya niya akong magpunta sa booth ng USC sa AS Lobby para lumahok at maging kabilang sa USC Volunteer Corps o Volcorps. Unang pumasok sa aking isipan ang takot sa mga responsibilidad na maaaring kaakibat ng pagsali dito ngunit nanaig sa akin ang kamanghaan sa pangalan ng USC at sa katanyagan na maaari kong makamit dito, pero ito ba ang sagot sa aking tanong? Hindi.
Hunyo 2008, Vinzons Hall. Nakatanggap ako ng isang mensahe mula sa USC na magkakaroon ng pagpupulong ang volcorps nito. Bago ako magpasiya sa pagpunta ay sumangguni muna ako sa kaibigan kong si Mike na sa kasamaang-palad ay hindi makadadalo, na nagtulak sa akin na huwag na ring dumalo. Isang araw bago ang nakatakdang pagpupulong, nakasalubong ko ang isa ko pang kaibigan na si Kenneth [Reganon]. Nalaman ko na isa rin pala siyang volcorps at may mga ginagawa na siya para sa Student Legal Aid and Action Committee (SLAAC). Sinabihan niya ako na dumalo na rin sa pagpupulong kasabay niya. At nang dumating na nga ang araw ng pagpupulong ay nakadalo ako, kung saan ay nakilala ko ang iba pang mga volcorps. Sa pagpupulong din na ito ay nakilala ko ang tatlo sa mga konsehal ng USC na sina Rose Angelique “Bang” Dizon [na tagapangulo ng Secretariat Committee], Victor Lorenzo “Bikoy” Villanueva [na tagapangulo ng Mass Media Committee] at Jaqueline Joy “Jaque” Eroles [na tagapangulo ng Student Rights and Welfare Committee]. Sa pagpupulong din na ito ako napili bilang kalihim naming mga volcorps. Sa panahong ito na ipinagdiriwang ng UP ang unang sentenaryong anibersaryo nito ay ipinakilala din kami bilang sentenaryong volcorps [centennial volcorps], na kung iisipin ay parang napakabigat na responsibilidad pero nakakaengganyo kahit kanino. Kung paka-iisipin kasi ng maigi ay magiging parte ka ng ika-isandaang taon ng UP. Ito na ba ang sagit sa aking tanong? Hindi pa rin.
Agosto 2008, AS Lobby. Sa panahong ito ay nagsimula na kaming maghanap ng iba pang volcorps na aming makakasama. Kasabay din ito ng panahon ng Alternative Classroom Learning Experience (ACLE), pinapangunahan ng tagapangulo ng Education and Research Committee na si Mico Angelo “Mico” Maestro, kung saan nagtrabaho ako sa online enlistment para sa mga mag-aaral na gusto lumahok sa mga ACLE na ninanais nila. Ang online enlistment na ito ay tinawag na ACReS o ACLE CRS. Maliban pa sa mga ito ay tumutulong kami sa SIGLO Sale ng Ways and Means Committee na ang tagapangulo ay si Sherry Tismal. Natuto naman kaming gumawa ng sarili naming shirts, kung saan sabay na nabuo ang aming slogan na Volcorps, Serbisyong Hardcore na nasa disenyon sa aming shirts. Kasabay ng exhibit para sa ACLE ay gumawa kami ng booth para makapaghikayat pa ng mga volcorps.Sa katunayan nga ay nagawa ko pa ang sulating ito para manghalina pa ng mga dagdag na volcorps:
Ano ba ang USC Volcorps(Volunteer Corps)?
Tulad ng napakaraming organisasyon sa mundo, hindi mabubuhay ang isang pamunuan ng mag-aaral na puro pinuno lamang. Kailangan ng mga pinuno ng bawat organisasyon ng mga taong aagapay at tutulong sa kanilang mga gawain. At sa University Student Council, ang tawag sa grupo ng mga tao na kaagapay nila sa paglilingkod sa mga iskolar ng bayan ay Volcorps o Volunteer Corps.
Ano naman ang meron sa Volcorps?
V-olunteerism. Tunay na boluntarismo ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas.
O-k na pamilya. Higit sa samahan, higit sa kaibigan, pamilya ang iyong makikita.
L-ahat ay may boses. Lahat ay pwedeng magsalita at lahat ay nakikinig.
C-ooperation. Kooperasyon ang ipinamamalas. Isang katangiang propesyonal at maipagmamalaki.
O-ver sa dami ng karanasan. Mga karanasan na tatatak sa isip at may kabuluhan sa bayan.
R-ealidad. Maipakikita ang mga realidad ng buhay. Hindi lamang naglilingkod kundi nakikialam din.
P-aglilingkod na hindi naghihintay ng kapalit. Pinaglilingkuran ang mga kapwa iskolar ng bayan na hindi naghahangad ng mga makasariling interes.
S-erbisyong Hardcore. Serbisyo ng mga iskolar ng bayan para sa mga iskolar ng bayan. #
Serbisyo, ito ang pinakatumatak na salita sa aking isipan na maaaring maging sagot na sa aking katanungan. Nasuportahan pa ito nang may lumapit sa akin para maiparating sa pamamagitan ng USC ang ilan sa mga pangangailangan ng UP Pep Squad sa nalalapit na UAAP Cheerdance Competition noong panahon na iyon. Pero serbisyo para kanino?
Disyembre 2008, USC Office. Sa mga lumipas na panahon ay mas marami pa kaming ginawa bilang mga volcorps. Naroon ang ilang mga pagpupulong, mga pagpaplano at pagtulong sa mga gawain ng USC. Ako naman bilang volcorps ay mas napadalas pa sa pag-attend sa mga General Assembly ng USC. Nagsimula na ring magsabay-sabay at dumami ang mga proyekto ng nila. Nakilala din namin ang iba pang miyembro ng USC na may kani-kaniyang pinamumunuan na mga gawain kung saan ay tumulong kaming mga volcorps:
Rashell Cabrera – UP Fair 2009 Head
Beverly “Bevs” Lumbera – Booths’ Committee, UP Fair ’09
Stephen Larcia – Eco-active Head
Marianna Carminia “Anna” Achacoso – Committee on Culture and the Arts Head
Isabelle Therese “Issa” Baguisi – ACLE Co-head, 2nd semester
Fahima “Fudge” Tajar – People’s Struggles Committee Head
Airah Cadiogan – USC Vice-chair, Referendum Committee Head
Idinaos sa buwang ito ang Veritas Week kung saan nagkaroon ng parada, mga programa at mga pagtatanghal na may kaugnayan sa mga karapatang-pantao na isinusulong kasabay ng pagdaraos sa linggong ito. Para naman sa CCA, kami ay tumulong sa pagiging maayos ng Karolfest, isang inter-college chorale competition, na parte ng Paskong pagdiriwang ng UP Diliman. Para din sa CCA ay tumulong kami sa pag-aayos at pagbabantay sa Paskong Pinoy Christmas Bazaar, isang kompetisyon para sa mga organisasyon na nais ipakita ang kanilang pagiging malikhain at sabay na rin itong pagkakataon sa kanila na kumita. Sa buwan din na ito ay tumulong kami sa UP Fair Bagsakan na nilahukan ng mga organisasyong nais magkaroon ng booth sa UP Fair. Bukod pa sa mga ito ay ang paglahok namin sa Eco-active day ng UP Diliman kung saan nagkaroon ng mga programa para itaas ang kamalayan ng mga tao sa mga isyung na ating kinahaharap tungkol sa ating kalikasan. Lahat ng ito ay mga tanda ng serbisyo, pero serbisyo ba sa USC ang sagot sa aking tanong? Hindi.
Enero 2009, Vinzons Hall. Sa buwang ito ay nagpatuloy pa rin ang UP Fair Bagsakan kung saan ay tumutulong pa rin kami. Sa pagtatapos ng buwan ay nagkaroon ng mga malakihang pagpupulong para sa mga organisasyon at mga indibidwal na nais ngang magkaroon ng booth sa loob ng UP Fair grounds. Nagsimula na rin ang mga gawain namin para sa ACLE sa semestreng ito kung saan naging parte ako ng grupong namamahala dito. Sinimulan din namin na muling buuin ang ACReS sa tulong ng UnPLUG. Sa lahat ng mga gawain sa panahong ito ay pinaka-umangat ang mga tungkol sa Student Regent (SR) Referendum. Naging kabi-kabila ang mga diskusyon at kampanya. Nagkaroon pa nga kami ng training at Educational Discussion (ED) kasama si Krissy Conti, isang dating kasapi ng USC na mag-aaral ngayon ng College of Law, at bukod pa sa kaniya ay ang ilang mga konsehal ng USC. Sa Referendum Week ay naging watcher pa ako nang idaos na ang botohan ng Yes o No para sa Codified Rules for Student Regent Selection (CRSRS). Ang mga ginawa naming ito, ang para sa UP Fair, ACLE at SR Referendum, ay mga bagay na para sa kapakanan ng mga estudyante. Ang pagiging volcorps namin, [lalo na para sa akin], ay serbisyo sa mga estudyante, ang mga iskolar ng bayan! Pero hindi lamang para sa kanila.
Pebrero 2009, Sunken Garden. Sa simula ng buwang ito ay mas dumami na ang mga paghahanda para sa UP Fair pero mas natutok kami sa panahon na ito sa pag-aayos at pagsasagawa ng ACLE. Kaming mga volcorps ay tumulong sa paghahanda ng mga kits para sa mga organisasyong humawak ng kani-kanilang ACLE topic. At nang dumating na nga ang araw ng ACLE ay inayos naman namin ang AS Lobby para sa ACLE program ng araw na iyon at pati na rin para sa pagbibigay ng mga kailangan nila para sa hinahawakan nilang ACLE. Ako ay nabigyan pa ng pagkakataong magsalita sa programang iyon bilang kinatawan ng UnPLUG. Ibinahagi ko sa mga dumalo doon kung ano ba ang ACReS at ang free and open source software pati na rin ang pagbanggit sa magaganap na kauna-unahang computerized elections sa UP Diliman.
Matapos ang ACLE ay naging tutok na talaga kami sa mga paghahanda para sa UP Fair. Ako ay tumulong sa pag-aayos ng mga booth at pati na rin sa pag-aasikaso ng pagpapakain sa mga tao noong UP Fair. Ako rin pala ay naitalaga bilang pinuno ng mga volcorps ng UP Fair kaya nagsagawa pa ako ng paghahanap sa mga may nais maging volcorps para sa isang linggong event na ito. Upang maranasan din ng iba pang volcorps ang pamumuno, inatasan ko ang ilan sa kanila na maging pinuno ng mga grupong aking binuo para rumonda sa loob ng UP Fair grounds. Naging napakasaya ng pagtatrabaho namin dito kasi ibang klase talaga yung samahan na nabuo sa aming lahat. Sa kabila ng hirap na inabot ko sa pagtatrabaho dito at pati na rin ang pagkakasakit ay naging napakasulit nito dahil sa mga ngiti at pasasalamat na natanggap ko mula sa mga volcorps.
Ang UP Fair din ay naging lugar upang magkaroon ng trabaho ang ilang mga tao tulad ng mga nag-ayos ng entablado, ng sound system, at mga nagbantay sa paligid ng fair grounds. Ito rin ay naging lugar para maipakita ng ilang mga banda ang kanilang talento at para naman sa mga night handlers ay ang pagkakataon na maipakita ang kanilang pagkakaisa upang gawing matagumpay ang kanilang hinahawakang gabi ng UP Fair. Isa pa sa magandang naidulot ng UP Fair ay ang pagkakaroon ng ilang UP Manininda at mga indibidwal na tao ng pagkakataon na kumita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng booth at makapagbenta sa mga tumangkilik ng Fair. Ang mga tumangkilik naman ng Fair ay nabigyan ng panahon upang magkasama-sama at magsaya sa panonood ng pagtugtog ng mga banda at kung anu-ano pang meron sa UP Fair.
Maliban pa sa lahat ng mga bagay na nabanggit ay ang pagkakaroon namin ng image editing at leadership training noong mga buwan ng Hulyo at Agosto. Tumulong din kami sa pagkakaroon ng UP Planner 101 dahil kami ay naging mga modelo para sa mga larawang nilaman nito. Sa kaparehong araw na kinuhanan kami ng mga larawan para sa planner na nabanggit ay nagkaroon din ako ng pagkakatong dumalo sa pagpupulong ng Dormitory, Organization, Fraternity and Sorority (DOFS) Committee na pinamumunuan ni Mikhail “Mik” Bueno at dito ay narinig namin ang mga saloobin ng mga residente ng UP Dormitories at naihalal din dito ang mga tagapamuno sa Alliance of Concerned Dormitories (ACD). Kami rin ay tumulong at dumalo sa Go the Extra M.I.L.E.S. noong Agosto, na isang seminar para sa mga samahan sa UP at sa University Convocation para sa SR Referendum noong Disyembre. Itong lahat ay mailalagom sa isang bagay, ang paglilingkod na para sa lahat. Ito na ang sagot sa tanong. Serbisyo sa lahat-sa estudyante at sa bayan!
Kaya rin naman naging mas makabuluhan ang pagiging miyembro ko ng USC Elections Technical team, dahil alam kong ang kalalabasan ng halalang ito ay ang magiging kinabukasan ng USC na naging daan ng aming paglilingkod sa mga tao. Nawa’y ang mga susunod pang USC, lalo na ang mga volcorps, ay ipagpatuloy ang hindi makasariling paglilingkod sa sa ating pamantasan at sa ating bayan. #
First Blog Entry
My first blog entry!!!
-
Recent
-
Links
-
Archives
- February 2012 (1)
- October 2009 (1)
- July 2009 (1)
- March 2009 (3)
-
Categories
-
RSS
Entries RSS
Comments RSS